Thursday, July 28, 2005

Tag-ulan na naman, malamig

Tag-ulan na naman dito sa Pilipinas. Pasukan na naman ng mga mag-aaral. Simula na naman ng pagkakamot sa ulo ng mga magulang na ang tanging pangarap ay huwag matulad sa kanila ang mga anak

Mag-aral ka, iyan lang ang tangi mong puhunan. Mahirap lang tayo. Ito ang ‘di ko makalimutang pangaral ng aking ama noong ako’y hindi pa marunong mag-brief at tanging kaligayan lang ang makapanood ng tig-P1.50 na palabas sa nag-iisang sinehan na pugad ng surot sa aming bayan.

Bakit nga ba pinili ng mga naunang matatalino sa ating bayan na gawing Hunyo ang pasukan kung kelan halos araw-araw lumuluha ang langit at nagbo-bowling ang mga anghel sa ibabawa ng mga ulap. Hanggang ngayon kung kelan isa-isa nang pumuti ang aking buhok, ‘di ko pa rin maarok ang dahilan.

Bakit nga ba parang kaligayahan yata ng mga nakakatanda ang pahirapan ang mga nakakabata. Bakit nga ba kailangan pumasok ng ala-siyete ng umaga kung pwede naming alas-nuwebe ang oras ng pasukan.

Tandang-tanda ko pa noong ako’y bata. (Oo minsan din ako naging bata at nangarap tumanda.) Hindi pa man sumisilip ang haring araw sa may silangan nagtatalak na ang aing ina. Kesyo kailangan nang pumunta sa palayan at kumuha ng ligaw na kangkong para ipakain sa baboy, kesyo kailangan mag-igib ng tubig para may pangsaing, kesyo kelangang magwalis dahil makapal na ang dahong nagkalat sa silong.

Mabuti na lang ‘di ko alam na child labor pala ang ginawa ko noon, kundi lagot ang mga magulang kong mahal sa akin at siguradong demanda ang kanilang aabutin. Aba, mantakin ba namang ang sarap ng tulog ko mambubulahaw ang nanay dahil kailangan ko magtrabaho kesyo mahirap lang kami at kailangan magsumikap.

E bakit nga ba ‘di kami mayaman, lintek na buhay naman. Bakit nga ba kung sino ang naghihirap at nagpapapawis para kumita siya ang walang makaing masarap at walang sasakyang magara.

Syanga pala, pasukan sa eskwela ang pinag-usapan. ‘Yon, pagkatapos akong magpaalila, layas na ako papuntang eskwela. Bitbit ang libro’t papel na nakasiksik sa bag na butas-butas, yong gamit ng mga probinsyano sa pamamalengke, o kaya plastic na supot na tanging yaman naming mga batang probinsya.

Masaya na ako noon kapag nakapagnakaw ng bayabas sa mga madaanang puno ng kapitbahay o kaya’s hinig na kalamansi. Kaya rin siguro kahit wala kaming making mga probinsyano ‘di kami madaling magkalagnat o siponin kahit dahon ng saging o gabi lang ang paying kapag umuulan. Sa dami ba naman ng nananakaw naming bayabas at kalamansi siguro overdose na kami ng Vitamin C.

Liban sa pasukan, tag-ulan din nagpapakasal karamihan sa atin. Siguro dahil masarap makipagyakapan sa gabi habang pumapatak ang ulan sa bubong na nipa o cogon o di kaya’y sa yerong kalawangin sa mga medyo nakakakaangat. Pero bakit pati mayayaman sa tag-ulan nag-aasawa. Di naman siguro nila narararamndaman ang ulan sa loob ng air-conditioned nilang mga tahanan. Pa-uso rin lang siguro, ano po. E ba’t din a lang sa Disyembre magpakasal, medyo mahabhab ang taglamig at romantic pa dahil maramaing parrol at memorable ang tugtog kahit sa mumurahing mga radio na AM lang ang istasyong nakukuha.

Hirap intindihin ng buhay minsan, no? Hirap isipin kung bakit pa lalalayas sa Pilipinas at sa ibang bayan pa maghanap ng pagkakaperahan na napakayaman naman n gating bayan. Marami kasing kurakot sa atin. Maraming buwaya. Nabubuhay kasi sa tubig ang mga hayop na ito. Lagi kasing umuulan sa pilipinas kaya maraming tubig, kaya maraming buwaya. Oo nga, mayaman ang pilipinas kaya maraming mapagsamantala at ang mga maliliit ang lagging nasasasagasaan. Saan ka ba naman nakakakita ng malaking nasasasagasan ng maliit.

Bat ba panay reklamo na lang tayo. Masaya naman sa pinas a, maraming nakakatuwa at nakakatawa lalo na sa panhon natin ngayon. Tingnan nyo naman, nakakatawang makalipas ang ilang daang taon ngayon lang naisip na imbetigahan ang jueteng. E baka nga pati si rizal at bonifacio tumaya ng jueteng noong panahon nila. Pinag-uusapan din ang korupsyon, aba’y reklamo na yata nila lapu-lapu yan noong kanilang panahon. Bakit nga ba di nababago ang pilipinas?

Marami daw kasing reklamo. E yong mga matatalinong may pamasahe papunta sa labas nagsipaglayasan. Ang mga mahihirap na nakapag-aral lumayas na rin dahil di nabubuhay sa bayang walang pagkakataon ang di kakilala ng may-ari ng negosyo o kamag-anak ng mayor, kongresista , gobernador, ponsio pilato, demonyo, ewan ko!

Noong bata pa ako, naririnig ko ang mga kapitbahay namingng katsisimisan ng nanay ko na nagsabing pianglihi yata ako sa puwet ng manok, ang daldal ko daw kasi. Daming sinasabi. Natatakot nga ako minsan na baka hindi totoo ang kwento nila. Natatakot ako na baka may tama lang talaga ako sa ulo kaya marami akong naiisip. Bakit nga ba ang dami kong tanong. Ang dami kong reklamo. Yong iba naman nabubuhay ng maayos na hindi nagrereklamo at di nagsusulat ng kung anuano.

Tag-ulan na naman kasi, malamig. Marami kang maiisip pag malamig ang panahon, tulad ng ginataang saging, kamoteng nilaga, tsokolate ni lola, tuba ni lolo, hita ng kapitbahay, problema sa eskwela, pang-tuition, pangkain, pera,pera, pera, problema sa lipunan, hustisya, kapayapaan, panggugulo ng mga natatalo, ewan ko ba ang dami problema.

Ang saya siguro kung di natin naiisip ang problema, o di kaya wala tayong pinoproblema, kung kasama natin lagi ang mga mahal sa buhay, tawanan, videook, karaoke, at ok lagi ang buhay dahil may makakain ang lahat, libre ang pag-aaral, malinis ang paligid at walang namamatay sa malaria., walang natitigok sa dengue at walang balitang masama. Wala na rin sigurong diaryo. Wow, grabe, mabuti pa si wowowee nag-asawa ng maganda dahil lagi siyang nagpapatawa. Minsa swete talaga ng ibang tao, patawa ka lang kikita ka, yong iba nating mga kababayan kailangan magpunas pa ng puwet ng mga dayuhan para lang kumita at mapag-aral ang mga anak o mapakain ang mga magulang.

Malungkot na eksena sa aking isipan minsan ang mga kababayan na napiplitang maglaba, magsaing, paliguan at bihisan ang mga anak ng dayuhan para makabili ng pagkain at damit na malabhan ang mga naiwan na mga mahal sa buhay sa sarili nating bayan. Lungkot no? labo talaga ng mundo. Minsan pwede na ring magdasal na lang baka huugan tayo ng swerte ng maykapa, pero diyos na rin ang may sabi na ang sinumang mang hindi magpapawis sa noo ay walang karapatang kumain. E ba’t yong iba, ni hindi pinagpawisan, nakakakain ng masarap.

Siguro kailangan nga nating kumilos, magtrabaho para kumita, para makapag-ipon, para mapagra-aral ang mga bata, para din a malamig ang tag-ulan sa ating bayan, at para mabago naman ang mukha n gating lipunan, na tayong masisipag, tayong nagtatrabaho ang kumain ng masarap at lumigaya at di lumuha dahil malayo sa kasintahan, sa asawa, anak at mga magulang na Gawain na yata talaga ang magtatalak.

Wow, haba na ng litanya ko ng reklamo, baka wala na kayong magawa, sige trabaho na tayo, sa susunod naman.

1 comment:

eloiski said...

weee! lapit na naamn ng pasukan!
at oo bakit kaay sa hunyo nila naisipan ang pasukan samantalang tag-ulan naman! Hayyy
siguro baka gus2 naman nila na mas enjoy ang bakaxon! At kapag mainit mas nakaakantok yun ang sa akin. Pero mahirap bumyahe lalo pa't tag-ulan!