Minsan na rin akong nangarap, tulad ng marami sa atin, na guminhawa ang buhay. Lumisan na rin ako minsan sa bayang kinalakhan. Dalawang taon kong tiniis ang init sa disyerto sa paniniwalang matagpuan ko ang dulo ng bahaghari at mahanap ang gintong doon ay nakatago. Hindi ko nakita ang gintong hanap, subalit hindi ko ipagpapalit ng ilang kabang ginto ang aking karanasan.
Hayaan n’yong ibahagi sa inyo ang lungkot at saya, ang luha at tawa, na tanging yaman kong naiuwi sa Pilipinas. Hayaan n’yo akong magpa-kyut, hayaan n’yong patawanin kayo, hayaan n’yong minsan ay kurutin ko ang inyong damdamin para naman maiba ang usapan at hindi na lamang panay politika o pera, o kaya tsismis at intriga ang inyong mababasa.
Nakilala ko ang ilang mga kabayan sa Saudi Arabia noong ako ay nanilbihan doon bilang manunulat sa isang pahayagan. Isa sa mga naging kautotang-dila ko ay si Tembong. Ito ang kanyang kwento.
Si Tembong Patibong
may mata, may ilong,
nagnakaw ng pagong
sa Saudi nakulong
Tumawag sa OWWA
humingi ng pera
pambayad ng pyansa
lalaya daw sya
Gobyerno na bingi
si Tembong sinisi
bakit nagpahuli
sa among mapanghi
Bakit ka nagnakaw
ng pagong ng bayaw
ng amo mong uhaw
sa aring masabaw
Ang OWWA'y napundi
si Tembong ginulpi
tapos mabusisi
puwet na umusli
* * *
O ‘di ba masaya? Sey n’yo, walang politika. Alam kong marami sa ating mga kababayan sa ibang bansa ang nakaranas na rin ng tulad nang naranasan ni Tembong, o mas malala pa. Sana maibahagi n’yo rin at gawin nating pulutan sa kwentohan o sa kantiyawan habang inuusal natin ang dasal na sana naman maramdaman ng mang nasa katungkulan sa ating pamahalaan ang pait, hindi, ang hapdi sa puwet ni Tembong.
* * *
Sige na nga, kwento na lang ulit. Ayaw n’yo naman tumawa e.
Meron akong alaga
‘Sang kunehong mataba
Mahaba kanyang dila
Maikli lang ang tenga
Meron akong minahal
‘Sang dalagang madaldal
meyk-up nya’y ‘di makapal
marunong pa magdasal
Minsan akong umibig
Bukal sa aking dibdib
Kalong ng aking bisig
Iba lang kanyang hilig
Mahal nya ang kuneho
Pati ang aking aso
Matigas dila nito
Kaya iniwan ako
Thursday, July 28, 2005
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment