Thursday, July 28, 2005

Si Manong sa ating panahon

Ang dami nang gumagawa ng blog. Ang daming analysi tungkol sa lipunan. Naisip ko, magkuwento na lang ako. 'Di naman ako matalino para mag-analisa, kaya kukwentuhan ko na lang kayo. Naisip ko rin na magsulat sa Filipino para naman 'di ko makakalimutan ang sariling wika kahit na Bisaya ako.

Ang mga kuwento sa baba ay lumabas sa "Pa-Kyut," kolum ko sa pahayagang Silangan Shimbun sa Japan.



Lagi na lang masama ang panahon dito sa Pilipinas. Kapag tag-araw, natutuyo ang mga bukirin. Kapag tag-ulan, bumabaha ang putik.

Parang ang pulitika dito sa atin. Matinding manalanta ng buhay.

Parang bagyo ang paninira ng pulitika nitong nakalipas na mga araw. Tila burak ang mga eskandalong lumutang. Masangsang sa ilong. Nakakalula sa mata. Nakakasira ng buhay.

Marami ang nagsabi na tila wala nang pag-asa ang bayan natin. Wala nang pag-asa ang sistemang dahan-dahang lumalamon sa ating mga kaluluwa, tila kumunoy na unti-unting nagpapalugmok sa ating lipunan.

Pero teka lang. Nandiyan pa naman ang anak ni Manong na patuloy na nagtitinda ng yosi sa kanto. Namatay nga ang kanyang tatay subalit kailangang kumita, kailangan kumain, kailangang magtinda ng yosi.

Siyanga pala, ‘di n’yo pala kilala si Manong. Suki ko siya ng tingi na yosi. Apat na taon ko na siyang kilala. Dati siyang nagtrabaho sa Saudi Arabia. Kumita ng maraming pera. Nalulong sa sabong. Umuwi sa ‘Pinas makalipas ang sampung taon sa gitna ng disyerto at winaldas ang pinagpagurang perang naipon na sana ay para sa mga anak.

Tuloy ang pagsasabong ni Manong dito sa atin kahit wala na siyang kinitang pera. Hanggang talagang natuyo ang kaldero at nagdesisyong pinakamadaling magtinda ng yosi kaysa magnakaw sa Quiapo o Divisoria.

Nakilala ko si Manong dahil pinapautang niya ako ng yosi ‘pag talagang wala akong pera at kailangan kong labanan ang antok sa madaling araw habang binubuno ko ang pagsusulat ng balita tungkol sa mga inaaping manggagawa.

Seryos no? Hindi. Hayaan n’yong ikuwento ko si Manong. Namatay na kasi siya. Pulmonya. Dumalaw ako sa kanyang burol sa isang malapit na iskwater. Madaling araw ako dumating. Tulog ang mga tao liban sa kanyang maybahay at dalawang anak na nakatanghod sa kanyang kabaong sa gilid ng daan.

Naisip ko, napakadali palang mamatay. Ang hirap mabuhay. Buti pa si Manong, ‘di na mag-iisip kung may maisasaing sa umaga. Malas ko, wala na akong mauutangan. Kaya binigay ko sa kanyang asawa ang kahulihulihan kong P500 sa bulsa. Sayang din ‘yon, pero naisip kong tama na rin siguro ‘yon sa abala ko bawat utang ko ng isang kahang sigarilyo.

Namatay si Manong habang nagrarali ang mga may pera sa Makati para pabagsakin si Gloria na kumita raw ng maraming pera sa jueteng. Mabuti pa ‘yong mga nagrarali, may pamasahe papuntang Makati. Ang asawa ni Manong ‘di man lang ako mapakape.

Nakita ko ang anak ni Manong noong sumunod na araw. Bitbit niya ang lalagyan ng yosi ng kanyang ama. Pati na rin ang lighter na may tali. Iyon lang daw ang naipamana ng kanyang tatay sa kanya. Susmarya!

Ba’t ko nga ba naikuwento ang buhay ni Manong? Kasi gusto kong ikuwento ang nakita ko sa mukha ng kanyang anak. Ang pag-asa na kahit sa gitna ng kahirapan, kailangan nating mabuhay. Kailangan nating ipagpatuloy ang paggawa, ang paghahanap ng bukas na pangarap nating maabot.

Bahala na muna siguro ang mga aktibista na makibaka. Mas malala pa yata ang problema natin kaysa kay Gloria, ‘di ba? ‘Di naman tayo tumaya diyan sa sugal nilang ang tawag ay pulitika.

Ha, ha, ha, ha. Nakakaasar, no? Marami sa atin gano’n na mag-isip, di ba? Parang ang hirap makialam. Kung gusto mong magsalita ng katotohanan, sasabihin ng pamahalaan na komunista ka o ‘di kaya terorista. Kung kumbinsido ka naman sa mga pangako ni Gloria, sasabihin naman ng mga aktibista na tuta ka ng mga kapitalista.

Minsan ang hirap mamuhay dito sa ating bayan. Ang dami nating puwedeng ipangalan sa kapwa. Pauso pa ang ating pamahalaan at laging nangunguna sa pang-iintriga. Kesyo sinisira ng oposisyon ang ekonomiya at ninanakaw naman ng administrasyon ang pera na dapat ay napupunta sa masa.

Ang daming kalokohan dito sa atin. Parang panahon. Minsan akala mo uulan dahil ang kapal ng ulap pero biglang iinit. Minsan naman ang tindi ng sikat ng araw pero biglang babagsak ang malakas na ulan.

Ayaw ko namang sisihin ang Panginoon sa paglikha ng ulan at araw. Kasi naman sinisira raw ng tao ang kalikasan kaya sumasama ang kalagayan ng ating kapaligiran. Pero sa pulitika, wala tayong ibang puwedeng pagbibintangan sa nagkakahetot-hetot na buhay natin kundi ang mga namumuno, di ba?

Kung ayaw nilang mapuna, ‘di umalis sila sa kanilang kinauupuan para wala silang problema. Pero ang daming gustong mangulo sa atin no? Walang gustong maging tagasunod na lang. Masyado yata tayong naging ambisyosong mga Pilipino. Ano sa tingin n’yo?

Labo, no? Hayaan n’yo darating din ang araw na gaganda rin ang buhay. Mahihinog ang bunga ng palay at aanihin ng mga magsasaka. Kakain tayo ng mabangong kanin na galing sa ating mga bukirin at mag-uulam tayo ng tuna galing sa GenSan at gulay mula sa ating bakuran.

Sarap, no? Darating din ang araw na ‘yan kung hindi natin papabayaang maubos ang ating mga kabundukan ng mga minerong walang habas na kumakamkam sa ating likas na yaman at mga ganid na developer na gustong gawing basketbolan ang ating mga palayan.

Buhay nga naman, parang life.

No comments: