Thursday, May 17, 2007

Ang landas na tinahak ni Allan

Dalawampu't isang taon na ang nakalipas nang huli kaming magkita ni Allan B. Dahil wala pang cell phone noon, naputol ang lahat na ugnayan namin. Ni sulat wala kaming natanggap mula sa isa't isa. Di ko na nalaman ang nangyari sa kanya, di na rin niya alam kung anong landas ang tinahak ko sa buhay.


(Ang letrato na yan ay kuha 20 years ago, noong 1987. Ako yang nakadilaw(!) na jogging pants sa kaliwa, si Paul ang nasa gitna (nasa Amerika na siya), at si Padi (nasan na kaya siya?))

Pareho kaming tubong-Mindanao. Mas matanda siya sa akin. Nagkakilala kami sa seminaryo. Sabay na nangarap kung papaano makapagsilbi sa Diyos at sa bayan. Sabay na nakibaka sa anumang maliit na maitulong namin para magkaroon ng pag-asa ang mga taong nakasalamuha namin sa mga baryo sa Mindanao at Basilan at sa urban poor communities dito sa Maynila.

Sabay din kaming namulat sa ganda ng mga dalaga, dito man sa Maynila o sa mga liblib na baryo kung saan kami nagtuturo ng katekismo at kanta sa mga bata. Syempre pa, siya sa kanta at gitara, ako sa katekismo dahil kahit anong praktis ko medyo sablay talaga ang tunog kapag ako ang nagtuturo ng "El Senor es contigo."

Nagulat ako nang makatanggap ng text message mula sa kanya kanina. Natatawa pa ako: Eto kasi ang sabi nya: "D nko m imagine ang usa k y buot nga cge rag bsas kwarto s claret serious na kaau s tv on vital isues n concern. Musta na (Di ko ma-imagine ang isang walang muwang na lagi lang nagbabasa sa kwarto sa Claret, seryoso na masyado on vital issues and concerns).

Dalawampu't isang taon na ang nakalipas, kaya tinawagan ko siya. Di ko nga alam kung sino sya noong una. Isang bata ang nakasagot. Tatay daw niya si Allan at wala ito sa bahay, nasa bukid daw naglipat ng baka.

Nang makausap ko siya, sinabi niyang nasa isang liblib na baryo na raw siya nakatira. Simpleng buhay daw. Matagal na raw siyang walang nakausap, nakasama, nakahuntahan na dating kasama't kaibigan. Sa TV na lang yata niya nakikita ang Maynila na dati naming pinasyalan at kinilala na parang dito na huhubugin ang kapalaran.

Sabi ko, basta ba masaya siya sa kanyang kinaroroonan, basta ba nagigising siyang buo pa rin ang mga pangarap, buo pa rin ang pag-asang sa susunod na pagsikat ng araw mas maalwal ang buhay, mas may pag-asa, mas mataba ang baka, may itlog ang mga manok at namumulaklak ang mais.

Matagal-tagal din kaming nag-usap, nagkamustahan, inaalala ang nakaraan, ang mga nakasama sa pagbuo ng mga pangarap, ang pagtayo ng LRT sa Taft Avenue, ang Nayong Pilipino na naunang napasyalan sa Maynila, ang Corregidor, ang EDSA 1, ang marami pang mga karanasan.

Sabi ko naiinggit nga ako sa kanya. Matutulog na siya pagkalubog pa lang ng araw, gigising naman sa padating ng bukangliwayway. Napakatagal na panahon nang di ako nakakita ng bukangliwayway. Napakatagal na panahon nang di ako nakatulog sabay sa paglubog ng araw.

Sabi ng kaibigan ko: "Yan ang pinili mong landas."

Naalala ko tuloy, isa sya sa mga unang nakabasa sa aking mga tula. Natatawa ako sa sarili dahil talagang di naman ako marunong tumula at sinasabi lang ng mga tulad ni Allan na ang mga sinusulat ko ay tula. Kaya naman, nagsulat ako ngayong gabi.

Lumubog na ang araw, madilim na ang gabi
Oras na naman ng pagdalaw ng pangungulila
Walang takipsilim sa syudad, walang kampana
Walang hudyat para umuwi na ang mga bata

Walang kalabaw o baka, o baboy o manok
Na aasikasuhin bago sumubo ng kanin
Habang nakapatong ang maruming paa
Sa mahabang bangko sa tabi ng hapag

Tumawag ang isang dating kakilala kanina
Nasa malayong bukid na raw siya nakatira
Mahirap daw ang makikipagbuno sa lupa
Kahig muna bago tuka ang magsaka

Sabi ko mas mahirap na maglakad
Sa sementadong gubat sa syudad
Mabigat ang maghabol ng pantasya
Gustuhin ko pang magbungkal ng lupa

No comments: