Saturday, May 05, 2007

Paglalakbay

Tila ulan sa tag-init ang maikling panahon na nakaalis ako sa bansa. Subalit gustuhin ko mang maaliw, ipinagkait ito ng panahon. Hanggang sa ibang bayan trabaho pa rin ang aking inatupag.

Umalis ako sa paliparan ng Maynila alas-otso ng umaga ng Martes. Natulog lang ako buong panahon sa eroplano hanggang dumating sa paliparan ng Singapore.

Masayang sumakay ng eroplano lalo na kung malayo ang biyahe. Para bang dinuduyan ka sa ulap. Hindi ko lubos maisip na nasa pagitan ako ng langit at lupa at ipinapasa-Diyos ang buhay. Isipin nyo nga naman po, nasa hangin ka, nasa gitna ng kawalan, tila sinusubukan ang pananampalataya.

Pagdating sa Singapore, takbo naman agad sa isa pang eroplano para lumipad ng isang oras patungong Jakarta. Nang sinabi ng piloto na malapit na kaming dumapo sa Indonesia, sumilip ako sa bintana. Parang Pilipinas lang pala ang kapitbahay nating bansa. Medyo maganda pa ang Maynila. Marami ang sasakyan. Isipin nyo nga naman na apat na milyon daw ang motorsiklo sa Jakarta kung saan ang population ay tulad din lang sa Metro Manila.

Dumating ako sa aking tinirhang hotel at nagpahinga. Gawain kong magbabad sa bath tub matapos ang mahabang paglalakbay. Nakakatuwang maglaro ng mga bula sa maligamgam na tubig. Para kang bata, wala kang ibang iniisip, pabasa-basa, payosi-yosi, hanggang makatulog at magising na lamang dahil malamig na ang tubig.

Naghapunan naman agad ako ng authentic na Indonesian na pagkain at biglang napaluha dahil nakakain ng sili. May tumutugtog sa piyano at biglang humirit ng mga Frank Sinatra, kaya nagdesisyon akong bumalik na lang sa kwarto para manood ng TV.

Matagal-tagal na ring panahon na di ako nakatulog ng maaga, kaya bago pa man mag-ala una ng umaga'y nakaidlip na ako. Syanga pala, huli ng isang oras sa Pilipinas ang Indonesia.

Kinaumagahan, masaya naman akong binati ng mga kasapi ng fellowship ng Seapa. Nagbigay ako ng pananalita sa sitwasyon ng media sa Pilipinas. Mahaba din ang naging diskusyon kaya inabot kami ng tanghalian.

Kinahapunan naman, isang pagtitipon ng hindi kumulang isang daang mga mamamahayag mula sa iba't ibang bansa ng Asya ang aking nakasalamuha. Nagsalita naman ako tungkol sa tinatawag na "Culture of Impunity." Marami ang nagtanong. Marami ang nagulat. Marami ang namangha sa sitwasyon hindi lamang sa ating bansa kundi sa buong Asya.

Nagpalipas lang ako ng gabi sa kwarto dahil napaka-traffic sa Jakarta at tila wala naman akong mapapasyalan dahil medyo malayo ang aking tinirhang hotel sa sentro ng bayan.

Umaga na ng magising ako at kailangang magsalita naman sa isang forum tungkol naman sa "defamation" at libel. Nag-press conference pa ako matapos ko malaman na inatras na pala ni First Gentleman Arroyo ang demandang libelo laban sa 46 na mamamahayag.

Nakiupo na lang ako sa workshop kinahapunan tungkol sa mga batas ukol sa media at sa tinatawag nilang press council. May natutunan naman ako at iba talaga ang karanasan ng media sa ibang bansa.

Ala-siyete na ng gabi ng magsindi naman kami ng kandila para sa mga mamamahayag na nawawala. Umikot ako sa plaza ng Jakarta at kumain ng mga lutong Thai kasama ang mga taga-Seapa.

Madaling araw ng Biyernes ng umalis ako ng Jakarta pauwing Maynila.

Siyanga pala, alam n'yo bang sikat na sikat sa Indonesia si Diana Zubiri na nakilala daw doon dahil sa isang pelikulang "The Girl from Bandung" yata ang pamagat. Sikat din ang mang-aawit na si Christian Bautista.

At alam nyo bang mas mura pa ang batik (na galing Indonesia) na binibenta sa barter trade sa Zamboanga kaysa batik sa Indonesia na tinitinda sa isang pamilihang aking nadaanan?

At ang daming pirated na CD at DVD na nagkalat lamang sa kanilang mga lansangan.

Hanggang dito na muna. Mukhang kailangan ko pang magpahinga.

No comments: