Thursday, May 10, 2007
Sa pagbuhos ng ulan sa tag-araw
Bumuhos na ang ulan. Malamig na ang panahon. Ang simoy ng hangin ay tila haplos ng malamig na kamay ng sintang kinakabahan sa unang gabi ng pagtatalik.
Patapos na ang tag-init. Muli na namang mamumulaklak ang mga halaman. Muli na namang uusbong ang mga makahiya sa gilid ng daan, muli na namang magbabantay ng mga murang tinik sa tangkay ng bagong tubong rosas.
Bagong pag-asa ang hatid ng pagpatak ng ulan matapos ang mahabang tag-init. Pag-asang alam nating lahat ay may kaakibat na mga pagsubok -- tulad na lamang sa parating na halalan, tulad na lamang sa mga pangakong muling binibitawan ng mga magsing-irog, o ng mga magkakalaban sa tunggalian, tulad na lamang sa pagsapit ng takipsilim sa mga liblib na baryo.
Lahat ng bagay, ika nga, ay magkakambal. Kung merong liwanag, may dilim, kung may dalamhati, may ligayang darating. Nakakalungkot nga lang dito sa ating bayan, halos 'di makita ang ganitong pag-ikot ng kapalaran. Tila hindi umiinog ang mundo. Ang mga dukha ay patuloy na dukha, ang mga mayayaman ay walang humpay sa pagpapasasa, ang mga pulitiko, sila-sila pa rin ang tumatakbo, ang mga niloloko ay patuloy na kumakapit sa paniniwalang darating ang panahon at kusang babaligtad ang sitwasyon.
Ayokong maniwala sa kapalaran, ayokong maniwala sa pag-ibig, o sa kapayapaan, na nakakamit dahil sa takot ng pagkatalo. Naniniwala ako sa isang patas na laban, sa isang laban na waland dayaan, na walang trayduran, sa pakikibakang hatid ng pait at sakit dahil sa pag-aalay ng dugo, pawis o buhay para makamit ang minimithi.
Kapag tag-ulan, lalo na sa gitna ng gabi, dumarating ang halo-halong damdamin - ng pangungulila, ng nag-aalab na damdamin para makibaka, ng pangarap na baguhin ang mukha ng lipunan. Nakakalungkot nga lang na sa pagsikat ng araw, marami ang nakakalimot sa gabing dumaan. Sa paggising nalilimutan ang mga matatamis na salitang ibinulong sa sinisinta, ang halakhakan sa baba ng hagdan, ang sumpang ipaglalaban ang mga karapatan, ang mga sigaw ng pagnanasa ng kapayapaan. Nalilimutan ng marami, nalilimutang sa bawat pangako, sa bawat pagbigkas ng "sulong," maraming puso ang umaasa at nagigising na nauulila.
Parang gawain ng mga pulitiko, parang gawain ng marami sa atin, parang gawain ko, parang mga nakasanayan mo.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment