Tuesday, June 19, 2007

Si Rizal, noon at ngayon

"Birthday" ni Rizal, kaya naisip kong magsulat tungkol sa bayaning limot na yata ng marami.

Natutuwa ako kay Rizal dahil siya lang ang "sikat" na taong kilala ko at binasa't pinag-aralan ang mga sinulat kahit na noong bata pa ako.

Sa aming bayan, doon sa Dapitan, kung saan ang lahat na daan ay nakapangalan sa mga tauhan ng mga nobela ni Rizal o mga sinulat niya (Mi Ultimo Adios Street ang daan papuntang sementeryo, Mi Retiro Street ang daan papasok sa sementeryo, at Maria Clara Street naman ang daan kung saan nanirahan ang maraming matandang dalaga), ang mamang taga-Laguna ay naging idolo naming mga batang naging tao noong panahon ng martial law.

Ipinanganak at tinuli ako sa Rizal Memorial Hospital, nag-aral sa Rizal Memorial Institute, nakaranas ng unang halik sa loob ng simbahan sa tabi ng marker na nagsasabing doon si Rizal tumatayo kapag nagsisimba sa araw ng Linggo, nakaunang yakap sa iniirog sa loob ng replica ng clinic ni Rizal sa Rizal Shrine, at nakaunang halik sa labi ng sinta sa "foot trails" ng Rizal Park.

Matindi ang tama ni Rizal sa buhay naming mga taga-Dapitan. At kahit na nagtitinda lang ako noon ng kangkong at nag-sasakristan sa simbahan, pinangarap kong sa University of Santo Tomas mag-aral para masundan ang yapak ng bayani. Pinagtawanan lang ako noon ng tatay ko.

Nakapag-aral nga ako sa unibersidad sa Espanya, Manila, sa tulong ng mga misyonerong Claretiano. Nang makuha ko ang "second prize" ng annual literary contest sa UST, tuwang-tuwa ako. "Second prize" din lang si Rizal noong sumali siya. Nadaya raw kasi. Baka nga ako gano'n din.

Nang tanungin ako ng mga pari kung saan ko gustong mag-aral ng Teyolohiya matapos ang aking kursong Pilosopiya, sabi ko sa Ateneo. "Bakit?" tanong ng mga pari. "Kasi nag-aral si Rizal doon."

Noong bagong salta pa lang akong Maynila, Fort Santiago at Luneta agad ang gustong kong puntahan. Doon nakulong at pinatay si idol e. 'Di ko rin pinalampas ang pagkakataon noon na madalaw ang bahay ni Rizal sa Laguna. Gusto ko pa nga sanang hanapin ang tsinelas na itinapon niya sa ilog nang minsang lumuwas sila ng Kuya Paciano niya sa Maynila.

At kahit na namulat na ang aking isipan sa buhay ng ibang mga bayani tulad nila Bonifacio, Del Pilar, Mabini, at iba pa, bumabalik pa rin ang mga aral na nakuha ko sa mga sinulat ni Rizal. Habang maraming aktibista ang nagsasabing si Bonifacio ang dapat maging idolo ng mga nakikibaka, si Rizal pa rin ang kumikiliti sa isipan ko.

Naging bahagi si Rizal ng aking paglaki. Siguro kong tinuli ako sa Bonifacio Memorial Hospital o kaya'y kasing laki ng bolo ni Bonifacio ang ipinang-tuli sa akin, baka si Boni ang aking maging idolo. Kahit nga 'pag nagsindi ako ng lampara sa gitna ng gabi para dumumi (third year high school na kasi ako nang magka-kuryente sa bayan namin), si Rizal pa rin ang nakikita ko - sa posporo.

Noong nasa ibang bansa naman ako nakipagsapalaran, naiisip ko pa rin si Rizal. Sa Chicago nalaman ko na nag-stop over pala ang mama noong panahon niya, sa Vienna naman hinanap ko sa archives ng isang unibersidad ang isang textbook sa medisina kung saan nandoon ang pangalan ni Rizal na nagkaroon pala ng ka-penpal sa Austria noon.

At kahit na nasa Middle East ako at nakipaglaban sa lumbay, naisip ko pa rin si Rizal. Siguro, tulad ng maraming OFW, naisip din ng ating bayani ang kanyang pamilya at mga mahal sa buhay na naiwan sa Maynila at Binan.

Sa Europa, kung saan naranasan ko ang lamig at napasyalan ang magagandang hardin, naalaala ko ang mga tulang ginawa ni Rizal. At kapag nakakakita ako ng mala-manika at matatangkad na mga dalaga sa ibang bansa, naitatanong ko sa sarili paano kaya nang-tsiks ang ating bida, e punggok naman siya.

Isa sa mga paborito kung tula na memoryado ko ang English version mula noong bata pa ako ay ang "Awit Ng Manlalakbay." Kung babasahin nyo ng mabuti, mapapansin nyo na kahit lumipas na ang mahigit isang-daang taon, ganon pa rin ang kalagayan ng mga Pinoy na nangingibang-bansa, ganon pa rin tulad sa panahon ni Rizal.

Kagaya ng dahong nalanta, nalagas,
Sinisiklut-siklot ng hanging marahas;
Abang manlalakbay ay wala nang liyag,
Layuin, kalulwa't bayang matatawag.

Hinahabul-habol yaong kapalarang
Mailap at hindi masunggab-sunggaban;
Magandang pag-asa'y kung nanlalabo man,
Siya'y patuloy ring patungo kung saan!

Sa udyok ng hindi nakikitang lakas,
Silanga't Kanlura'y kanyang nililipad,
Mga minamahal ay napapangarap,
Gayon din ang araw ng pamamanatag.

Sa pusod ng isang disyertong mapanglaw,
Siya'y maaaring doon na mamatay,
Limot ng daigdig at sariling bayan,
Kamtan nawa niya ang kapayapaan!

Dami ng sa kanya ay nangaiinggit,
Ibong naglalakbay sa buong daigdig,
Hindi nila tanto ang laki ng hapis
Na sa kanyang puso ay lumiligalig.

Kung sa mga tanging minahal sa buhay
Siya'y magbalik pa pagdating ng araw,
Makikita niya'y mga guho lamang
At puntod ng kanyang mga kaibigan.

Abang manlalakbay! Huwag nang magbalik,
Sa sariling baya'y wala kang katalik;
Bayaang ang puso ng iba'y umawit,
Lumaboy kang muli sa buong daigdig.

Abang manlalakbay! Bakit babalik pa?
Ang luhang iniukol sa iyo'y tuyo na;
Abang manlalakbay! Limutin ang dusa,
Sa hapis ng tao, mundo'y nagtatawa.

No comments: