Tila may lambong na madilim na ulap ang mukha ni Richard nang una kong makita sa loob ng eroplano sa Frankfurt airport. Tila wala siyang pakiaalam sa kanyang paligid, nakalagay sa tenga ang earphone ng kanyang ipod, malayo ang kanyang paningin, ni hindi ako kinibo nang tabihan ko siya.
“Pauwi ka?” basag ko sa katahimikan habang umupo ako sa kanyang tabi. Huli na nang naisip ko na malaking katangahan ang tanong ko. Siyempre, wala sana siya sa loob ng eroplano kung hindi siya pauwi sa Pilipinas.
Subalit tumango si Richard bago ibaling ang paningin sa labas ng bintana ng eroplano. Nanahimik na rin ako. Malamig ang hangin at gusto ko ring matulog. Subalit makalipas ang ilang minuto, tinanggal ni Richard ang earphone, at nakipag-usap sa akin.
“Ilang taon kang di umuwi, sir?” tanong niya.
“Ilang linggo lang akong nawala. May pinuntahan lang na miting,” sabi ko sa kanya.
“Noong November din lang ako huling nasa atin. May emergency lang kaya ako uuwi,” sabi ni Richard, sabay lagay muli ng earphone sa tenga.
Umusad na ang eroplano at nagsimulang sumahimpapawid.
“Ayokong sumakay nang eroplano. Nakakatakot,” sabi ng aking katabi.
“Richard. Richard pala ang pangalan ko,” sabay abot ng kamay. Malamig ang kanyang palad, kasing lamig ng mga palad ko.
“Kinakabahan ka rin?” tanong niya.
Tumango ako. Takot din akong sumakay ng eroplano, amin ko sa kanya. “Nai-imagine ko kasi kung ano ang feeling kung bumagsak ang eroplano.”
“Nakakatakot talaga,” sabi niya. “Siguro, biglaan lang at wala na tayong mararamdaman.”
“Sana nga, para 'di masakit,” sabi ko.
“May pamilya ka?” muling pagbasag ko sa katahimikan habang hinihintay ang flight attendant na namimigay ng tinapay.
“Meron. Kaya ako uuwi,” sagot niya.
Nanatili akong tahimik. Nanahimik na rin si Richard. Nang lumingon ako, nakita kong humihikbi siya.
“Nanganak ang misis ko noong May 21,” kwento niya.
“Congrats,” sabi ko.
'Di siya kumibo.
“Kaya ako uuwi. Ayoko na sana e. Wala naman akong magawa at ayaw ng kumpanya ko. Pero naiisip ko ang asawa ko. Iyak siya ng iyak. Matagal na rin naming planong mag-kaanak. Pang-apat na-attempt na namin ito. Ngayon lang nakabuo. Kaya nga ako nag-abroad, para sa bata. Para sa kinabukasan niya,” sabi ni Richard, sabay punas ng luha na dahan-dahang nangilid sa kanyang mga mata.
Ayaw sana siyang pauwiin ng kanyang kumpanya, pero nang makita raw na umiiyak siya sa telepono, ang kanyang mga kasamahan na ang nakiusap na pababain na siya sa barko. Sa Russia sana siya bababa, sa St. Petersburg, pero delikado raw doon, kaya sa Helsinki na lang siya hinatid. Sumakay siya ng eroplano papuntang Frankfurt at doon kami nagkita.
Tatlumpung-isang taong gulang lang si Richard, dalawamput-pitong taon naman ang kanyang asawa. Halos limang taon na silang mag-asawa at maraming beses na silang nangarap na magkaroon ng anak.
“Tatlong beses na siyang nakunan,” sabi ni Richard.
Hotel and Restaurant Management ang natapos ni Richard, nalimutan ko naman kung ano ang kurso ng kanyang asawa, pero meron siyang trabaho hanggang umalis si Richard at nagdesisyon sila na huminto na lang muna sa trabaho si misis dahil maselan ang kanyang pagbubuntis.
Marami nang napasukang trabaho si Richard. Nakapunta na nga siya sa Singapore para mamasukan sa isang hotel. Pero nang magbuntis ang asawa, kailangan nila ng mas malaking pera. Kailangang paghandaan ang panganganak.
Sa tulong ng isang tiyuhin, nakasakay si Richard noong Nobyembre sa isang cruise ship na bumibiyahe sa Caribbean.
“Marami akong napasyalan na lugar, kahit na apat na oras lang siguro sa bawat pagdaong ng barko. Para nga kaming mga baliw, takbo ng takbo, pa-picture ng pa-picture para masabing napuntahan namin ang isang sikat na siyudad,” kwento niya sa akin.
Mahirap ang trabaho, sabi niya. 'Di raw maiwasan na minsan merong diskriminasyon. May panahon naman na halos lumubog daw ang barko dahil sa lakas ng alon. Akala niya mamamatay na raw siya.
Subalit dahil sa pagsisikap, na-promote si Richard at naging attendant sa upper deck. Nakakaitim nga lang daw dahil laging naiinitan at dumidikit ang tubig-dagat sa balat.
Para maaliw ang sarili at malimutan ang hirap sa trabaho, ang malalakas na alon na minsan ay humahampas sa barko, at ang pag-iisa, laging iniisip ni Richard na nasa tabi ang asawa at ang 'di pa isinilang na anak.
Kapag nakababa sa daungan, tumatakbo siya sa pinakamalapit na public phone para tumawag sa Pilipinas. Mahal daw kasi ang cell phone at kailangan niyang magtipid.
“Lagi kong ini-imagine na sa pag-uwi ko sa Disyembre, sasalubungin ako ni misis at karga ang anak namin. Ano kaya ang amoy ng ulo niya? Sino kaya ang kahawig? Kasing pogi ko kaya, sir?” sabi niya, sabay ngiti.
Hindi maipinta ang kanyang kaligayahan nang habang nasa laot ay nakatanggap siya ng tawag noong Mayo 21 na nanganak na nga ang asawa. Malaki ang gastos pero tiniis ni Richard. Naitago naman daw niya lahat ng kanyang kinita. Para raw ayaw lumubog ng araw ng gabing 'yon.
Premature ang bata nang lumabas. Maselan ang kalagayan ng asawa at ng sanggol. Halos isang-daang libong piso ang kanilang nagasta sa panganganak. Naka-incubator pa ang bata ng halos dalawang linggo.
Makalipas ang ilang araw, isang linggo mahigit, naideklara na maayos na ang lahat. Inilabas sa incubator ang bata at pinainom ng gatas ng nars.
At nangyari ang trahedya. Nasobrahan daw sa pagpainom ng gatas ang bata, ayon sa natanggap na ulat ni Richard. Meron namang nagsabi na may sakit daw sa baga ang bata. Hindi malaman ng batang ama ang mararamdaman.
“Naisip kong nababaliw na yata ako. Paano nangyari ‘yon? Ni hindi ko man lang siya nakita,” naiipit sa dibdib ni Richard ang mga salita. Nadurog ang kanyang mga pangarap, dumilim ang langit, sabi niya. Hindi niya malaman ang gagawin.
“Anong gagawin ko, sir?”
Mahigit limang oras kaming nagpalitan ng mga karanasan ni Richard. Sinabayan ko ang pagbaha ng kanyang luha. Iba man ang dahilan ng sakit ng aking dibdib, pilit kong dinama ang kanyang naramdaman. May luha pang nangilid sa kanyang mga mata nang huli kong silipin ang kanyan mukha.
Ginising ako ni Richard nang nasa China na kami para mag-refuel ang eroplano. Sabay na lang daw ako sa kanya dahil sasalubungin siya ng kanyang asawa at pamilya sa pagdating sa Maynila.
Sige, sabi ko. Gusto kong makilala ang kanyang mga mahal sa buhay, sabi ko sa kanya.
Nang nasa airport na kami, umatras ako. Hindi na mapalagay si Richard at naduwag na rin akong maging saksi sa mga luha at pigil na paghiyaw ng kanyang mga mahal sa buhay.
Ni hindi kami nagkapalitan ng mga contact number. Sabi niya taga-Valenzuela sila pero nasa Tondo nakaburol ang sanggol.
Huli kong nakita si Richard na yakap ang isang babaeng umiiyak. Haplos-haplos ng kaibigan ko ang likod ng kanyang asawa, habang lumuluha sa paligid ang sa tingin ko ay mga kamag-anak na hawak-hawak ang laylayan ng jacket ni Richard at ang bitbit niyang bag.
Naglakad ako palabas sa airport, sa gitna ng madilim na gabi. Maulap ang langit at tila nagbabadya ang malakas na ulan.
Sunday, June 10, 2007
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
1 comment:
Post a Comment