Sayang na buhay.
'Yan ang pumasok sa isipan ko habang pinanood ko ang kwento ni Howie Severino sa i-witness.
Tulad sa maraming tao na hindi sumali sa fraternity noong kabataan, naitanong ko kung bakit naisip nila, sa mura nilang edad, na pumasok sa fraternity.
May fraternity sa bayan ko noong bata pa ako. Saksi ako sa kanilang pagpapaluan sa tabing dagat sa dilim ng gabi tuwing meron silang initiation. Marami silang mga pagsubok na dapat lampasan upang mapasali sa samahan. Marami sa kanila ang mga maykaya sa buhay. Marami sa kanila ang may bisyo dahil may pambili sila ng pambisyo, tulad ng alak at marijuana.
Niyaya nila ako noon na sumali. Umayaw ako.
Naisip ko noon, sapat na ang sapok ng tatay ko sa akin tuwing 'di ko mapakain ang alaga naming baboy, o maipastol ang alagang kambing at baka. Sapat na ang palo sa puwet kapag di ako magising ng madaling araw upang mag-igib ng tubig, maghanap ng panggatong at kumuha ng kangkong sa parang.
Bakit ko pa papahirapan ang sarili sa 'di pagtulog ng maaga upang makipagpaluan lamang o makipag-inuman o makipag-hithitan sa dalampasigan. E lagi naman akong nasa tabing-dagat tuwing gabi upang "manahid" para may pang-ulam na "kuyom" at isda sa umaga.
Kaya 'di ako naging miembro ng frat.
Hindi naman pwedeng sabihing duwag kaming mga hindi frat member sa bayan namin dahil mga frat members ang pumupunta sa lugar namin upang humingi ng pabor o magpaalam na dumaan sa nag-iisang lansangan papasok at papalabas sa aming bayan. Baka kasi mapag-tripan namin sila at ulanin ng bala ng tirador o putik kapag di magpaalam na dumaan. Nalaman ko kinalaunan na mas naging notorious pa pala ang lugar namin na pugad ng mga "sira ulo" noong wala na ako.
Ang pamilya ko - mga kapatid (ang kapatid kong babae ang pinakasiga sa amin), mga pinsan at mga kapitbahay sa baryo - ang naging frat ko. Napatunayan namin ang samahan na walang iwanan mula bata pa kami hanggang ngayon na may edad na. Napatutunayan namin ito kapag may namamatay sa amin, kapag may kinakaharap kaming problema, kapag may selebrasyon, kapag kailangan naming magkaisa, kapag kailangan naming maglasing, magsaya o di kaya lumuha. Wala kaming atrasan, sa pagtakas man sa mga kalokohan o pagharap sa mga dapat paninindigan.
Nang mapunta ako sa Maynila, naging subsob ako sa pag-aaral at sa pagtingala at pagtunganga, kaya di ko na naisip na sumali pa sa frat. Ang mga kaklase ko at mga kasamahang kong mga probinsyano rin ang naging mga ka-brod.
Siempre may nangumbinse sa amin na sumali sa frat para magkatulungan daw sa pag-aaral o magkaroon ng kontak sa trabaho kung papalarin man. Subalit, ewan ko ba. Wala kaming pakialam noon. Ayaw naman namin ng mataas na grado. Ayaw din naming sumikat. Gusto lang namin noon may rali lagi para walang pasok o kaya tatakas kami papuntang Quiapo para manood ng mga babaeng hubo sa Gala at Center theaters.
Mahigit 30 kaming magbabarkada at magkakasama araw at gabi. Pinaka-hazing namin ang mga nakakaasar naming mga teacher na maraming iniutos na gawin. Sa awa ng Diyos, matapos ang apat na taon, wala pang sampu kaming nakatapos at umakyat sa bundok at namuhay sa gitna ng hirap sa bukid sa loob ng isang taon.
Yon ang pinaka-bonding namin. Magkasama kaming namumutol ng puno para sa aming kubo, nagtatanim sa palayan, nag-aaral, nagdadasal, nagtuturo sa mga bata, matatanda, magsasaka, mangngisda at pinagtatawanan pa namin ang kasamang magsasabi na galing siya sa Kilometer 20 at kailangan niyang magpahinga ng maaga dahil may lakad pa siya kinabukasan sa Kilometro 30. As in, lakad yan ha, hindi uso ang sasakyan sa gubat.
Pito ang nag-survive matapos ang isang taon at nagpatuloy sa pag-aaral ng apat pang taon upang maging misyonero. Sa kalauna'y may isang natira. Tuwang-tuwang kaming lahat at panay "congratulations" ang aming ipinaabot sa tanging "nagwagi" sa amin at naging "successful," ika nga. Lalo kaming natuwa nang malaman namin na nasa isang liblib na baryo na siya ng Colombia, tumutulong sa mga "hampas-lupang" 'di naman namin kilala.
Swerteng buhay. Mabuti na lang 'di kami nagpaluan noong aming kabataan.
Tuesday, September 25, 2007
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment