Good will always triumph over evil, ika nga.
Isa lamang 'yan sa mga mensahe ng nobela ni J.K. Rowling tungkol sa buhay ng isang batang ang pangalan ay Harry Potter.
Katatapos ko lang basahin ang ika-pito at huling aklat ng tinaguriang Harry Potter series. Sampung taon ko ring sinubaybayan ang kwento ng batang may angking kapangyarihan ng mahika.
Subalit, higit sa mga pagsubok na kinaharap ni Harry Potter at sa mga natuklasan niyang sikreto sa buhay habang nasa Hogwarts, nakagiliwan ko ring pag-aralan ang buhay ng iba't-ibang mga tauhan sa aklat.
Pilit kong inintindi at inabangan ang paglalahad ng buhay ni Tom Marvolo Riddle na sa kalauna'y naging si Lord Voldemort. Bakit siya naging masama? Sabi nga ng isang akda: "It is difficult to know how much 'nature' rather than 'nurture' contributed to Riddle's personality."
Isipin nyo nga naman, pinatay ni Tom Riddle ang kanyang ama na si Tom Riddle Sr. at ang kanyang lolo't lola na si Thomas at Mary Riddle. Bakit niya nagawa ito?
Ambisyon at kasakiman sa kapangyarihan ang nagtulak kay Tom, mga katangiang makikita natin sa maraming tao sa ating lipunan kung hindi man sa pamahalaan.
Gusto ni Tom Riddle na maging guro ng "Defense Against the Dark Arts" sa Hogwarts, pero hindi siya nagtagumpay. Gusto niyang maging "immortal" at maghari sa sanlibutan subalit nahadlangan ang ambisyon niya ng isang batang ang hangad lamang ay hanapin ang sarili at gawin ang tama.
Isa rin sa mga tauhang may natatanging misyon sa buhay si Albus Percival Wulfric Brian Dumbledore. Ano ang mga sikretong dala niya hanggang sa hukay? Anong klaseng tao ang gumagamit ng kapwa matupad lamang ang gusto niyang makamit o mangyari.
Sino naman si Severus Snape? Isa ba talaga siyang masamang tao o biktima lamang ng pag-ibig? Napakaganda ng "love story" ni Snape na pati si Harry Potter ay namangha. Meron pa kayang mga Severus Snape sa ating paligid na handang mag-alay ng lahat sa ngalan ng pag-ibig?
Maraming aral na makukuha sa pagsusubaybay sa buhay ni Harry Potter. Alam kong liban sa akin, at kay Pat na nagpahiram sa akin ng "Harry Potter and the Deathly Hallows," marami pa ang "nabaliw" sa kakaabang kung ano ang mangyayari kay Harry at kay Voldemort.
Sa mga 'di nakabasa ng libro, sana napanood n'yo ang pelikula.
Sana liban sa "adventure," may matutunan din tayo sa kwento. Baka kasi ma-take over na tayo ng mga kampon ni Lord Voldemort at pamumunuan na tayo ng "Death Eaters" kung hindi tayo maging mapagmatyag.
Monday, August 06, 2007
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment