Natapos din ang paghahanap kay Lintang Bedol, ang elections supervisor sa Maguindanao na ipina-aresto ng Comelec dahil sa hindi pagpapakita sa canvassing ng resulta ng eleksyon.
Nakita si Bedol sa Davao nitong nakalipas na linggo. Hindi naman daw siya sumuko, hindi naman daw nahuli.
Baka nga naman nakasalubong lang niya ang mga pulis na naghanap sa kanya at sumama na lang siyang kusa dahil gusto niyang mamasyal sa Maynila.
"Not guilty" ang sagot ni Bedol sa bintang na "indirect contempt" dahil sa hindi niya pagpapakita sa canvassing noong Mayo. Pansamantala siyang pinakawalan ng Comelec nitong Martes. Magastos naman kasi kung patuloy na maninirahan si Bedol sa hotel sa Maynila. P2,200 hanggang P2,700 ang bayad sa isang kwarto bawat gabi doon.
Comelec ang magbabayad sa kwarto ni Bedol. Sila kasi ang nagpahuli sa kanya. Sabi naman ng PNP, kung 'di kaya ng Comelec bayaran ang hotel, sila na lang daw ang sasagot sa gastos. PNP kasi ang humuli kay Bedol.
Swerte ni Bedol. Nakalibre siya ng tulog sa hotel at ng pamasahe sa eroplano mula Davao papuntang Maynila. Marami pa siyang badigard.
Naalala ko tuloy ang isang manunulat na hinuli dahil sa demandang libel. Kinuha siya sa kanyang opisina sa Ortigas, isinakay sa taxi papuntang Pasig kung saan ang istasyon ng pulis, nang bumaba na sa sasakyan, siya ang pinagbayad ng pulis ng pamasahe.
Pasensya na raw, sabi ng pulis, wala silang pera. Malas lang ng reporter. Siya na nga ang hinuli, siya pa ang pinagbayad ng pamasahe. Kung alam lang niya na siya ang magbabayad, sana nag-jeep na lang sila o kaya'y nag-traysikel.
Swerte talaga ni Bedol.
Pero, teka, papaano kaya siya uuwi sa kanila? May dala kayang pamasahe ang mama? O baka naman may bahay siya dito sa Maynila.
Tuesday, July 03, 2007
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment