Matindi ang init ng araw nitong mga nakalipas na linggo. Kasing-init sa pangangampanya ng mga pulitiko para sa darating na halalan sa Mayo.
Umuwi ako sa probinsya nitong nakalipas na weekend. Gano'n pa rin naman ang itsura ng aking bayan. Tila walang nagbago. Medyo nalinis lang ang dalampasigan dahil dumadami na ang mga kubo sa tabing-dagat at medyo alaga na ang mga halaman at puno.
Ang bagong sidewalk sa boulevard ay gawa na ng clay tiles. Magandang tingnan lalo na sa gabi kapag nasisindihan ang mga makulay na ilaw sa daan.
Di naman nagbago ang mga tao sa bayan ko. May mga tumatanda, may pilit na nagpapabata at marami na talagang mga bagong mukha na naging tao na siguro noong umalis na ako sa bayan 24 na taon na ang nakalipas.
Maalat pa rin ang dagat, mainit pa rin ang araw, namumulaklak pa rin ang akasya. May mga bagong bahay na ang tawag ng mga pinsan ko ay "katas ng retirement," "katas ng pagpupunas ng pwet ng banyaga" at "katas ng pagpuputa" sa Japan at ibang bansa.
Tsismoso't tsismosa pa rin ang mga dati nang tsismoso't tsismosa, 'di na ako nakakita ng tuba sa sentro ng bayan, Red Horse na ang tinitira ng kabataan at 'di na baylehan ang tawag ng sayawan. XRM na ang gamit ng mga bagets sa gimik, 'di tulad noon na kami ay nagpapagandahan ng bike.
Tahimik pa rin ang bayan ko. Pangarap ko pa rin na manitili doon, kasama ang mga mahal sa buhay, sa darating na panahon.
Malungkot lang na 'di ko man lang lubusang na-enjoy ang tag-init sa sa aming bayan. Nawala na kasi ang mga tukmo't punay na dating nakikipagharutan sa mga maya sa palayan. Wala na ang palayan sa likod ng aming kubo. Bahayan na ito. Marami na kaming mga kapitbahay, mga pinsan at kamag-anak.
Tag-araw, natutuyo ang mga batis sa Tipsong, walang hamog ang mga bulaklak sa umaga, nagtatago na yata ang mga dalaga.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment