By Ryan Ponce Pacpaco
DISGRASYA ang sinapit ni Charles Kevin Jimenez, 15, nang patayin ang mga ilaw sa loob ng Trinoma Mall pagsapit ng Earth Hour 8:30 p.m. noong Sabado. Dahil sa dilim ay nahulog siya sa isang fountain na walang harang.
Nasugatan ang kamay ni Jimenez, estudyante, ng Bgy. Sauyo, Novaliches, Quezon City.
Inihayag ni Moises Junio, kasama ni Jimenez sa mall, na walang harang sa paligid ng fountain na ka-level lang ng daanan nang patayin ang mga ilaw.
Maliban sa sugat, nabasa ang buong katawan ni Jimenez pati ang kanyang Nokia 5310.
Nabatid ng People’s Tonight na hindi rin siya umano kaagad inasikaso ng mga security personnel sa kabila ng pagdurugo ng kanyang kamay. Ito ay lubhang ikinagalit ng ina ni Moises na si Consuelo Junio.
Bukod dito, wala ring ibinigay na tuwalya o pamalit na damit ang mga tauhan ng Trinoma sa basang-basang si Jimenez na inabot ng 1 a.m. dahil napilitan pa siyang magpa-checkup sa ospital.
“Mall sila, ang laking establishment nila. Hindi man lang nila nabigyan ng sando o kahit basahan si Kevin para mapalitan ‘yung basang damit. Five hours na basa ang damit ng bata,” reklamo ni Shella Jimenez, ina ni Kevin.
“Dapat sibakin ang security head pati ang branch manager nila dahil wala silang concern sa mga tao,” idinagdag ni Gng. Jimenez.
Sinubukan ng People’s Tonight na kunin ang pahayag ng management ng Trinoma Mall ukol sa insidente ngunit hindi sila available for comment.
Monday, March 30, 2009
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment