Suwerte nga ba na pinarangalan ako ng Amerika para makapamasyal sa bansang pinagnasahang marating ng maraming Pinoy?
Dapat matuwa ako. Pero nitong mga nakalipas na araw naging perwisyo ito sa akin. Naisip ko kasi na kung hindi sana ako pinarangalan ng Amerika at inimbitahang bumisita sa US of A, hindi sana ako mamomroblema kung saan kukuha ng pera at kung papaano paramihin ang P120 sa aking bulsa.
Kung 'di sana ako napiling "fellow" para sa pamamahayag nitong taon, nakaupo lang sana ako sa opisina, naghihintay ng sahod para may maipambayad sa mga pagkakautang at pambili ng pagkain.
Ngayon, malaking problema ang aking kinakaharap. Kailangan kong maghanap ng P300 para pamasahe papuntang airport. Kailangan kasing mag-taxi dahil malayo ito sa aking tirahan.
Kailangan ko ring maghanda ng P550 para pambayad sa buwis sa paliparan.
Kailangan kong bumili ng medyo presentableng damit dahil baka 'di ako papasukin sa mga opisina at unibersidad na aking pupuntahan sa Amerika. Sigurado akong ang kupas kong maong at T-shirt na nabili sa Surplus Shop sa SM ay 'di katanggap-tanggap sa State Department.
Siyempre pa, kailangan kong bumili ng sapatos dahil dito pa nga lang sa Manila pinagtatawanan na ng mga kaibigan ang marumi kong pekeng Adidas.
At siyempre kailangan kong mag-medyas sa Amerika at mag-brief.
Sigurado akong hindi kasya ang P120 kong natipid mula noong ako ay umalis sa aking pinaglingkurang tanggapan. Wala rin naman akong mautangang kaibigan.
Nagpunta ako sa Buendia kanina at naglakad sa ilalim ng init ng araw upang kunin ang bago kong ATM na bigay ng bago kong pinapasukang kompanya.
Susmarya, P100 lang ang laman. Iyon ang P100 kong hinulog upang makapagbukas ng "account" sa bangko.
Naisip ko tuloy, perwisyo yata itong napasukan kong suwerte.
Kung iniisip man ng mga Amerikano na utang na loob kong maimbitahan sa Amerika, nagkakamali sila. Utang na loob nila sa akin na pupunta akong Amerika kahit nababaliw na akong isipin saan ako kukuha ng pang-taxi papuntang airport at pambayad ng Airport tax sa NAIA.
Aba, kung ganito rin lang pala kahirap ang pumuntang Amerika para lamang makita ang Washington at New York pati California, pipiliin kong manatili na lamang sa Pilipinas at umupo sa kanto.
Maraming "stick" ng yosi at ilang mangkok na rin ng mami ang mabibili ng aking P120.
Kapalaran.
Ito ang salitang naisip ko habang binabagtas ko ang kahabaan ng Buendia.
Kapalaran ko yata itong tumanggap ng karangalan pero kapalit naman ay perwisyo sa buhay.
Umatras kaya ako sa aking biyahe at manawagan na itigil ng Amerika ang "military aid" sa ating bansa at tanggalin na nila ang kanilang mga sundalo sa Iraq at Afghanistan?
Astig, 'di ba? Puwede akong magtawag ng "press conference" at maglabas ng "angst" para sikat.
Isusulat kaya ng mga kaibigan kong mamamahayag ang aking kuwento? Ano kaya ang ulo ng mga balitang kanilang susulatin?
"Award-winning journalist refuses to travel to America, demands withdrawal of military aid to RP"
"Ninoy Aquino awardee returns US Embassy award, prays for world peace"
"Journalist fails to travel to US because of poverty"
Sarap noong 'di pa ako pinasikat ng mga award-award na yan. Simple lang ang lahat -- maong na kupas, T-shirt na "giveaway" noong nakalipas na pasko at pekeng Adidas na "secondhand" kong nabili sa isang kaibigan ng P300.
Sabi ng isang kaibigan, para "statement" daw ang pagpunta kong Amerika, magbahag daw ako para 'di na kailangang bumili ng brief. Malamig sa eroplano no, uurong pa titi ko, e wala na ngang iuurong ito.
'Kala n'yo masuwerte ako o kaya ang ibang mga kababayan na nangibang-bansa? Mali, mas masuwerte pa rin ang walang komplikasyon ang buhay, pati titi mo 'di mo maiisip kung uurong man o hindi.
Makakapunta kaya ako ng Amerika?
Abangan.
Friday, August 19, 2005
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
2 comments:
pwede kita pahiramin ng $. pagbayad mo dollars din ha?
so, dito sa 'Pinas, hindi kayo nag-bi-brief sir?
link ko kayo sa site ko. commment ka na rin don. nyahahaha.
Post a Comment